Twitter Updates

    follow me on Twitter

    Tuesday, March 23, 2010

    HUWAG PILITING ITAMA ANG MALI

    HUWAG PILITING ITAMA ANG MALI

    By Gerald Magno

    NOTE: This is a reaction to the burning of school facilities i.e. desks and chairs by leftist activists in the Polytechnic University of the Philippines (PUP) as they protested last Friday, 19th of March 2010, against the proposed tuition fee increase. For more information on the incident, here is a link to a report in Malaya, published today where Bangon Pilipinas Eddie Villanueva, a former PUP professor, is quoted.

    Huling nalagay ang PUP sa mga telebisyon at pahayagan noong nabalitang may na-gang rape umano sa loob ng pamantasan. Ang resulta, negatibong imahe. Noong nakaraang linggo, natanong sa akin ng ilang mga kaibigan kung napanood ko raw sa primetime news ng mga higanteng TV network ang nangyayaring "gulo" sa PUP. Bihira na akong makapanood ng balita ngayon kaya't hinanap ko sa youtube ang sinasabi nila.
    Napabuntong-hininga na lamang ako matapos mapanood ang video clip. Siguradong negatibo na naman kasi ang magiging tingin ng publiko sa aking pinagmulang pamantasan. Hindi ko sinasabing mali ang ipinaglalaban nila. Kagaya nila, hindi rin naman ako pabor sa dalawandaang-pisong (P200.00) pagtaas ng matrikula sa pamantasan. Oo, lehitimo ang ipinaglalaban nila sapagkat libu-libong freshmen ang matatamaan. Subalit ang tanong, kailan naging tama ang paghahagis at pagsusunog ng mga upuan, lamesa, cabinet drawer at kung anu-ano pa para ipakita ang galit ng mga "umano" ay iskolar ng bayan?

    Ayon kay Donavie San Pascual, kasalukuyang student regent: "hindi barbariko ang mga estudyante, pagpapakita na lamang 'yan na talagang galit na galit na sila." Dagdag pa ni Ryan Chua (ABS-CBN reporter), "mawasak na raw ang lahat ng mga gamit sa paaralan, huwag lang ang kinabukasan ng mga gustong mag-aral."

    Kung hindi ako nagkakamali, isa sa matagal nang ipinaglalaban ng ating mga kaibigan ay ang i-upgrade ang mga pasilidad sa pamantasan. Subalit ngayon, sila pa ang nanguna para manira. Bakit kailangang maghagis at magsunog ng mga gamit para lamang ipakita ang kanilang galit? Hindi ba sapat ang pagsasalita sa gitna ng Popeye upang iparating sa mga mag-aaral at administrasyong ng PUP ang kanilang ipinaglalaban? Wala bang ibang matinong paraan para i-address ang isyu?

    Tama ang sabi ng isang tunay na iskolar ng bayan, "Sa nangyari ngaun, tinanggalan ng karapatan ang iba (mga mag-aaral) sa mga kagamitang dapat nilang matamasa." Sila, na nakikibaka para sa karapatan ng mga estudyante ay tinanggalan ang mga kapwa nila estudyante ng karapatan na magamit ang mga sinira nilang kagamitan.

    Sabi ng isa kong kaibigan, may mabigat na dahilan umano para gawin nila ang paghahagis ng mga upuan. At iyon nga ay ang nakaambang pagtaas ng matrikula. Ngunit sa ginawa nila, nagbago ba ang isip ni Dante Guevarra? Babawiin kaya ng Board of Regents ang planong pagtataas ng tuition fee? Ang sagot sa una ay hindi, base sa sagot ni Guevarra sa isang panayam at sa resulta ng dialogue kahapon (http://www.abs-cbnnews.com/nation/youth/03/22/10/pup-officials-students-fail-reach-accord-tuition-hike). Malalaman natin ang sagot sa pangalawang tanong sa mga susunod na araw (Marso 29).

    Ano nga ba ang naging resulta ng mga ginawa nila? Subukan nilang itanong iyan sa mga graduating PUPians na kasalukuyang naghahanap ng trabaho. Mahirap na ngang maghanap ng trabaho, siguradong lalo pa silang mahihirapan. Itanong nila 'yan sa mga alumni ng PUP na hindi alam ang isasagot sa t'wing tatanungin ng kanilang mga boss o kasamahan sa trabaho hinggil sa nangyayaring kaguluhan sa pinanggalingang pamantasan.

    Isa pa, matapos nilang ihagis at sunugin ang mga kagamitan, sino ba ang talo? Ang administrasyon ni Guevarra? Hindi. Ang talo dito ay ang mga iskolar ng bayan na pinagkaitan ng karapatang gamitin ang mga sinira nilang gamit. Ang talo dito ay ang mga PUPian na kasalukuyang naghahanap ng maayos na trabaho. May nanalo ba sa ginawa nila? Kayo ang humusga.

    Dagdag pa ng aking kaibigan, "Ang barbariko yung mga taong ang iniisip ay ang sarili, na mas iintindihin pa ang pagkasira ng image ng PUP kesa sa kinabukasan ng mga kabataan Pilipino."

    Mali bang intindihin ang imahe ng iyong pamantasan? Hindi ba nila naisip na may mga PUPians ding masisira ang kinabukasan kung hindi sila matanggap sa trabaho dahil sa nagatibong imahe nito sa publiko? Bilang isang alumni ng PUP, naranasan ko ang hirap para makapaghanap ng trabaho. Lalo pa kung hindi ka galing sa mga prestihiyosong pamantasan gaya ng Ateneo, La Salle, UP at iba pa.
    Hindi kailanman solusyon ang bayolenteng pamamaraan lalo pa't kung ang idadamay ay ang mga kagamitang wala namang kinalaman sa isyu. Kung nakapagsasalita lamang ang mga natitirang silya at lamesa sa PUP, marahil nagpiket na rin ang mga ito para kondenahin kayo.

    Hindi ako umaasang masasagot nila ang aking mga katanungan lalo na kung hindi naman naranasan ng karamihan sa kanila ang makapagtapos at maghanap ng trabaho. Pasensya na sa mga tatamaan, nagpapakatotoo lang ako.

    Ang isang problema ay hindi masosolusyunan ng isa pang problema.

    Huwag piliting itama ang mali.

    PS: Ang nakasulat ay sarili kong opinyon at hindi ng isang grupo. Ito ay bilang sagot sa "note" na may titulong "para sa mga magagaling at mahuhusay! (manira)" ng kaibigan kong si Eman: http://www.facebook.com/note.php?note_id=375045724335


    ABOUT THE AUTHOR
    Gerald Magno graduated from the Polytechnic University of the Philippines with a degree in Political Science major in International Relations.

    0 comments:

    Sociable

    TweetMeme Retweet

    Facebook Share

    HTML Hit Counters
    Web Site Hit Counter

    Somewhere Over the Rainbow - Israel Kamakawiwo`ole